Sa Iyo ARVIN “Abong” CAMPOSANO at Pamilya (Isang Bukas na Liham)

Mag-iisang buwan na mula ng mangyari ang pinakamasakit na yugto sa buhay naming pamilya ni Ronel “Onel” Balderama Sotto.  Hindi namin matanggap ang nangyaring pagpaslang sa kanya, isang napakasakit na kamatayan sa pamamagitan ng kamay ng walang awa at  wala sa katinuang pag-isip na kriminal.  Halos maubusan na kami ng luha,  lalong-lalo na ang aming mahal na ina.  Hanggang ngayon, napakarami pang tanong sa isipan ng bawat miyembro ng aming pamilya – mga katanungan na gustong-gusto na namin mabigyan ng kasagutan.

Arvin, oo may mga nangyaring hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng aking Manoy Onel at sa kapatid mong si Zeny “Nea” Camposano. Ngunit, sapat na ba yun para bawiin ang buhay ng kapatid ko? Sapat na bang dahilan iyon para saksakin mo siya, saksakin nang hindi lang isang beses kundi LABINDALAWANG (12) BESES? Hindi ba’t ng sinugod mo siya noong gabi ng Abril 6, 2016, nagmakaawa siya sa iyo na kinabukasan na kayo mag-usap dahil lasing na lasing ka na? Bakit di ka nakinig? Bagkus, tinaraydor mo siya? Bagkus sinaksak mo sya sa likod niya ng napakaraming beses. Paano mo iyon nagawa? Dahil sa pagkampi mo sa kapatid mong si Zeny? Noong mga pagkakataong nagsusumbong si Zeny sa iyo, inalam mo ba ang puno’t dulo ng mga pagtatalo nila?


Para kay Zeny/Nea, Ano ngayon ang masasabi mo, ngayong wala nang makapananakit sa’yo? Pag nagkaharap tayo, ano kaya ang sasabihin mo sa akin? Masasabi mo ba sa akin ng nakataas ang noo na hindi ka dapat saktan ng asawa mo? Ano naman ang isinasagot mo kapag nagtatanong ang mga anak nyo ng, KUNG KELAN UUWI O KELAN GIGISING ANG PAPA NILA?
Sa magulang ni Arvin,  ano na po ang plano niyo? Totoo ba na hinayaan ninyo na makatakas at makapagtago ang kriminal ninyong anak? Sa iyo, bilang ina ng pamilya, bilang isa sa tagapagpatupad ng batas, paano po kayo nakakatulog ng mahimbing mula ng mangyari ito? May batas tayo, bakit po hinayaan ninyo na humantong sa ganito? Kayo po ang lumugar sa kalagayan ng Mama ko, ano po kaya ang mararamdaman nyo kung sa pamilya nyo nangyari ito? Hindi nga ba’t may kasabihan na, kapag ang asawang babae ang namatayan ng asawa, ang tawag ay biyuda, pero pag siya ang namatayan ng anak, walang akmang salita na maibigay? Ganun po kasi kasakit ang mawalan ng anak na siyam na buwan dinala ng ina sa kanyang sinapupunan. Hindi maipaliwanag na sakit ang nararamdaman ni Mama ngayon. Sa palagay ko, hindi niyo dapat ikatwiran na kaya namatay si Manoy Onel kasi sinaktan nya ang anak ninyo. Hinding-hindi nyo po iyan dapat ibigay na katwiran sa amin.  Hindi kami nagkulang sa pagpapayo at pagpapaalala sa Kuya ko. Kung naging masunuring asawa lang sana anak niyo, hindi mangyayari ito. 

Bukas ang aming isipan, positibong ang aming pananaw. Hindi magtatagal, makakamit namin ang HUSTISYA. Hustisyang isinisigaw ng mga puso naming nangungulila dahil sa pagpaslang kay Manoy Onel. 


Sa mga nakakakilala, nakakita o may ano mang impormasyon tungkol sa taong ito, ipagbigay alam lamang po sa numerong ito 0918-6618583 (Rowena Sotto). Maraming Salamat po! 

By Rowena B. Sotto 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *